Sa pinakabagong content ng Youtube personality na si Mimiyuuuh nitong Linggo, Nob 7, game na game na nagluto at nakipagkwentuhan si Vice President Leni Robredo.

Pagbabahagi ni Mimiyuuuh sa kanyang audience, ang Bise-Presidente ang kauna-unahang bisitang pinaunlakan niya sa kanyang bahay.

“Kayo po ang unang-unang inimbita kong makapunta dito sa bahay namin,” sabi ni Mimiyuuuh habang wine-welcome niya si Robredo sa kanilang tahanan.

Dito ay sunod na nagpamalas ng cooking skills si Robredo nang magluto ito ng sikat na Pinoy lugaw dish na “arroz caldo.”

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

">COOKING ESSENTIAL LUGAW WITH VP LENI ROBREDO!!!! | MIMIYUUUH - YouTube

Matatandaang "Leni Lugaw" ang kadalasang ibinabatong insulto sa opisyal na kalauna'y ginawang plataporma ng kanyang kampo.

Game na game namang sinagot ni Robredo ang mga tanong ni Mimiyuuuh habang tuloy ang kaniyang pagluluto. Ilang tips ang ibinahagi nito kanyang estilo sa pagluluto ng sikat na Pinoy dish.

Unang tinanong ni Mimiyuuuh kung paano mahahanap ang romantic partner ngayong panahon ng pandemya kung saan may payo rito si Robredo.

“‘Pag sobrang desire mo magkaroon ng jowa, pa-minsan naka-cloud ‘yung pagtingin mo di ba? Tingin mo kapag may dumating akala mo siya na tapos later on, mare-realize mo, ‘Ay hindi pala yun’ kasi dahil lang sa desire mo magkaroon,” sabi ni Robredo kay Mimiyuuuh na nagkwentong sabik nang magkarelasyon.

“Inaano ba kita dyan VP Leni? Gusto ko lang naman kumain ng lugaw,” pabirong tugon ni Mimiyuuuh.

Nagpatuloy ang mga tanong ni Mimiyuuuh at ilan sa mga natalakay ni Robredo ang mga aspekto ng pag-iipon, quarter life crisis at ang kanyang konsepto ng kaligayahan.

“Happiness is how you make a bad situation good. Hindi siya kailangan grand things,” ani Robredo.

Samantala, ibinunyag naman ng VP ang na-realize niyang “mali pala” na ginagawa niya at ng kanyang kampo pagdating sa pag-atake sa negativity online.

“’Pag hindi naman totoo, hindi ka mabo-bother. Hindi ako naglo-lose sleep over it. Pero ang na-realize lang namin later on, dapat pala hinaharap namin yung mga negative kasi yung tao naniniwala kung hindi mo siya ni-re-refute,” paliwanag ni Robredo.

“Dati feeting namin 'di naman totoo, wag natin pansinin. Huwag natin i-dignify. Mali pala yun,” dagdag niya.

“Hindi mo siya papatulan pero at least magbibigay ka ng opportunity na malaman [nila] kung ano ba talaga ang totoo. Kasi may mga kwentong ginagawa na hindi naman totoo.”

Matapos masagot ni Robredo ang ilan pang katanungan, kasunod na naluto ang lugaw na sabay naman nilang pinagsaluhan ni Mimiyuuuh.

Sa huli, nagpasalamat ang Bise-Presidente sa pag-imbita sa kanya ng Youtube star na dati na pala niyang sinusubaybayan.