Inaabangan na ng mga Sharonians ang pagpasok sa 'longest-running teleserye' ngayon na 'FPJ's Ang Probinsyano' na si Megastar Sharon Cuneta, na kauna-unahang teleserye na mapapabilang siya, sa haba ng panahong pananatili niya sa ABS-CBN bilang isang Kapamilya.
Bagama't hindi pa klaro at wala pang kumpirmasyon mula kay Shawie mismo, ayon sa showbiz columnist na si Cristy Fermin ay may source umano siyang nagchika na ang magiging papel ng Megastar sa serye ay ang tunay na ina ni Mara, ang karakter ni Julia Montes, at ang tunay naman nitong ama ay si Rowell Santiago na siyang gumaganap na presidente rito.
Sa ngayon ay tumatakas ang karakter ni Presidente Oscar Hidalgo mula sa kaniyang First Lady na si Lily na ginagampanan naman ni Grand Slam Best Actress Lorna Tolentino.
Kaya naman, nasasabik na ang mga televiewers dahil tiyak na salpukan umano ito sa aktingan ng mga beterano at premyadong artista sa Pilipinas.
Nabanggit pa ni Cristy na magsisimula na umano ang taping ng Megastar sa Nobyembre 19 na tatagal ng isang buwan, kaya medyo nalulungkot ang aktres dahil medyo matatagalan na makasama ang kaniyang pamilya, lalo na ang kaniyang mister na si Senador Kiko Pangilinan na tumatakbo sa pagka-pangalawang pangulo.
Samantala, mukhang handang-handa na rin si Mega sa kaniyang pagbabalik-telebisyon dahil ibinida na niya ang kaniyang pagpayat, sa tulong ng diyeta at 'Aivee Transformation'.