NUEVA ECIJA - Arestado sa kanyang pinagtataguan sa Cagayan ang isang magsasaka matapos ang mahigit 20 taong pagtatago sa batas kaugnay ng umano'y panggagahasa sa nakababata niyang kapatid sa Bongabon, Nueva Ecija noong 1997.
Nasa kustodiya na ng Bongabon Police si Rudy Quiliguin, 47, taga-Brgy. Pantoc, Bongabon, kasunod ng pagkakadakip nito sa Brgy. Cunig, Gattaran sa Cagayan, nitong Sabado.
Ayon kay Bongabon Police chief, Capt. Aniceto Caraang, si Quiliguin ay akusado umano sa panggagahasa sa kanyang kapatid na babae noong Abril 1997 sa kanilang lugar.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Paliwanag naman ni Caraang, nasa korte na ang desisyon kung papatawan pa ng habambuhay na pagkabilanggo ang akusado dahil na rin sa kakulangan pangunahing testigo laban kay Quiliguin, dagdag pa ang pagkamatay ng biktima ilang taon na ang nakararaan.
"Husgado na po ang bahalang mag-determine sa nasabing kaso," paliwanag pa ni Caraang.
Ariel Avendaño