Inaasahang papalo na sa mahigit P272 milyon ang magiging jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nakatakdang bolahin ngayong Linggo ng gabi.

Ayon kay PCSO Chairperson at General Manager Royina Garma, walang tumama sa Ultra Lotto 6/58 draw noong Biyernes ng gabi na may six-digit winning combination na 22-43-19-12-13-02 kaya’t walang nakapag-uwi ng katumbas nitong jackpot prize na P264,557,261.20.

Gayunman, mayroon namang 33 bettors na nanalo ng second prize na tig-P120,000 matapos na makahula ng limang tamang numero.

Dahil naman walang naka-jackpot, inaasahan ni Garma na madaragdagan pa ng P8 milyon ang naturang jackpot prize at papalo na ng mahigit P272 milyon.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Samantala, inaasahang tataas rin sa P15.8 milyon ang jackpot prize ng Super Lotto 6/49 na bobolahin rin ngayong Linggo ng gabi.

Kaugnay nito, hinikayat ni Garma ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga laro ng PCSO dahil bukod sa nakakatulong ka na sa mga mahihirap ay may pagkakataon ka pang maging milyonaryo.

Mary Ann Santiago