Magandang balita dahil bakante na ang 14 na COVID-19 quarantine facilities sa Maynila, kasunod na rin ng patuloy na pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit sa buong bansa.

Batay sa ulat ng Manila Health Department (MHD) kay Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno, nabatid na sa ngayon ay nasa 0% na lamang o wala nang laman ang 883 kama ng 14 na COVID Quarantine Facilities nila.

Kabilang sa mga naturang quarantine facilities ay yaong matatagpuan sa Delpan, Araullo, Patricia, T. Paez, San Andres, PLM, Dapitan, MLQu, Tondo Sports (Dialysis), P. Gomez, Arellano, Bacood, Del Pilar (Pregnant) at Dormitels.

Bakante na rin na rin naman ang nag-iisang COVID suspect cases quarantine facility sa may Tondo High School na may 40 kama.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, nasa 116 na lamang o 23% ng 501 na COVID beds sa anim na district hospitals na kinabibilangan ng Ospital ng Maynila, Ospital ng Sampaloc, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Gat Andres Bonifacio Hospital, Ospital ng Tondo, at Sta. Ana Hospital, ang okupado ngayon ng mga pasyente.

Nasa 48 o 14% na lamang din ng 344 higaan ng itinayong COVID-19 Field Hospital ang okupado ng mga pasyenteng may COVID.

Hanggang 12:00 naman ng tanghali ng Linggo, Nobyembre 7, umaabot na lamang sa 324 ang mga aktibong kaso, mula sa kabuuang 89,756 na COVID-19 cases sa Maynila.

Sa naturang bilang, 87,738 na ang nakarekober sa sakit at nasa 1,694 naman ang nasawi.

Mary Ann Santiago