Hinimok ang mga kandidato sa pagkapangulo sa Mayo 2022 na magbigay ng mga konkretong solusyon upang matugunan ang kawalan ng trabaho sa bansa sa gitna ng patuloy na pandemya.

Sinabi ni Bayan Secretary-General Renato Reyes Jr. na maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho noong Agosto hanggang Setyembre ngayong taon dahil sa implementasyon ng mga lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

“Mahalaga at dapat sagutin ng bawat kandidato sa pagkapangulo ngayon kung paano lulutasin ang malawakang unemployment," ani Reyes sa isang tweet.

“Bukod sa pagwawakas ng mga lockdown, paano ibabalik ang mga trabaho lalo na sa sector ng agrikultura at manupaktura kung saan pinakamalaki ang job losses," dagdag pa niya.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ayon sa ulat ngPhilippine Statistics Authority nitong Nobyembre 4, tumaas sa 4.25 milyon ang mga unemployed individuals noong Setyembre mula sa 3.88 milyon noong nakaraang buwan, sanhi upang umabot sa 8.9 na porsyento ang unemployment rate sa bansa.

Kaugnay nito, itinanong ng Bayan official sa mga presidential aspirants ang kanilang mga plano kung paano palalakasin ang ekonomiya, at kung magkano ang ilalaan na pondo upang matulungan ang mga apektadong sektor dahil sa pandemya.

“Ang pandemya at ekonomiya ang dalawang isyung titimbangin ng mga botante sa darating na 2022," ani Reyes.

“Kailangan ng mga kongkretong solusyon sa mga kongkretong problema ng bayan," dagdag pa niya.

Jhon Casinas