Uunahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapabuti ng kalidad ng tubig sa Manila Bay bago muling buksan ang Dolomite beach.

Sa isang pahayag nitong Sabado, Nob. 6, iginiit ni DENR Usec. Jonas Leones na tututukan muna ng ahensya ang paglilinis ng tubig upang hindi lang matapakan ng publiko ang Dolomite beach kundi lumangoy din sa lugar.

Dagdag niya, ang Manila Bay Task Force (MBTF) na pinamumunuan ng DENR ay gagawa ng plano para sa drainage system ng mga outfalls ng Manila Baywalk sa Padre Faura, Remedios at Abad.

Aniya, ang wastewater na nagmumula sa mga bahay at industriya ay idi-divert sa sewage treatment plant, habang ang tubig-baha ay dadaan sa isang malaking HDPE (high-density polyethylene) pipe na 400 metro ang haba mula sa sea wall.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“All of these activities will be completed this year or in the first quarter of 2022, considering possible changes on the alert level status of the NCR,” sabi ni Leones.

Noong Oktubre 25, ang tubig sa Dolomite beach ay may coliform level na 22,000 mpn (most probable number) kada 100 mililitro, sabi ni DENR National Capital Region Executive Director Jacqueline Caancan.

Inamin ni Caancan na ang pagsasaayos sa kalidad ng tubig at pagpapanatili nito sa mababang fecal coliform ay isang “challenging” na hamon.

Idinagdag ni Leones na ang kalidad ng tubig sa lugar ng dolomite ay kailangang matugunan kaagad upang maabot ang karaniwang antas na 100 MPN/100 ml upang payagang maliguan ang lugar.

Gayunpaman, binanggit niya ang significant improvement sa antas ng coliform, na ngayon ay umaabot na lamang mula sa daan-daan hanggang libu-libo, kumpara sa milyon o bilyon bago ang rehabilitasyon ng Manila Bay.

Sa isang press conference kamakailan, sinabi ng DENR na ang Manila Baywalk Dolomite Beach ay mananatiling sarado sa publiko para sa ikalawang yugto ng gagawing rehabilitasyon.

Joseph Pedrajas