Patuloy na naobserbahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mataas na sulfur dioxide (SO2) emissions sa Bulkang Taal sa Batangas sa nakalipas na 24 oras.

Sa volcano bulletin nitong Sabado, Nob. 6, sinabi ng Phivolcs na ang aktibidad sa main crater ay pinangungunahan ng pagtaas ng mainit na volcanic fluid sa lawa nito na nagdulot ng plume na 1,200 metro ang taas.

Ang SO2 emission ng Taal Volcano ay may average na 14,054 tons noong huling sukatin ito noong Nob. 5. Ang pinakamataas na pagbuga nito ay naitala noong Oktubre 5 sa 25,456 tons.

Sa nakalipas na 24 oras, naka-detect din ang Phivolcs ng 18 volcanic earthquakes, kabilang ang 17 volcanic tremor events na may tagal na dalawa hanggang 19 minuto, isang volcano-tectonic earthquake, at low-level background tremor na nanatili mula noong Hulyo 7.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Based on ground deformation parameters from electronic tilt, continuous GPS and InSAR monitoring, Taal Volcano Island has begun inflating in August 2021 while the Taal region continues to undergo very slow extension since 2020,” pagpupunto ng Phivolcs.

Pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na nananatiling nasa Alert Level 2 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang ang bulkan ay patuloy na nagpapakita ng “increased unrest.”

“At Alert Level 2, sudden steam- or gas-driven explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, and lethal accumulations or expulsions of volcanic gas can occur and threaten areas within and around TVI,”sabi ng ahensya.

Mula noong Hulyo 23, idineklara nang nasa Alert Level 2 ang Taal.

Muling iginiit ng Phivolcs na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, na isang permanent danger zone, lalo na sa paligid ng main crater at Daang Kastila fissure.

Ipinagbabawal din ang pamamangka sa Taal Lake, dagdag nito.

Pinayuhan ng Phivolcs ang mga kinauukulang local government units na suriin at palakasin ang kahandaan ng mga naunang lumikas na barangay sa paligid ng Taal Lake sakaling muling magkaroon ng panibagong pag-alburot ang bulkan.

Ellayn De Vera-Ruiz