CAMP OLA, Albay – Napatay ang limang katao, kabilang ang tatlong menor de edad at isa ang naiulat na nasa kritikal na kondisyon nang pagbabarilin ng isa nilang kamag-anak dahil umano sa alitan sa lupa sa Milaor, Camarines Sur nitong Biyernes ng hapon.
Ang lima ay kinilala ni Maj. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5 (PRO-5), na sinaRomeo de Leon, 72; Samuel Cobilla Jr.; Noela Agliones, 7; at magkapatid na sina Hobbie John, 6; at Robbie John Britanico, 4.
Nasa malubhang kalagayan naman si Hades John Britanico dahil sa tama ng bala.
Tinutugis pa ng pulisya ang suspek na si Arthur de Leon na tumakas matapos ang insidente.
Naiulat ng mga awtoridad, kasalukuyang nanonood ng telebisyon ang mga biktima nang biglang pumasok sa kanilang bahay ang suspek na naka-camouflage uniform at pinagbabaril ang mga ito, gamit ang M16 Armalite rifle, sa Barangay Tarusanan, dakong 5:45 ng hapon.
Kinumpirma ni Calubaquib na kamag-anak ng suspek ang mga biktima at nagkaroon lamang sila ng samaan ng loob dahil sa alitan sa lupa.
Sa pahayag naman ng isa sa kaanak ng mga biktima, pinatay umano ng kapatid ng suspek ang isa sa kapatid ng isa sa biktima ng massacre noong 2020.
“Sa lupa pare, kamag-anak din ng hipag ko. Nagtanim ng sama ng loob 'yung suspect dahil away sa lupa. Una, pinatay kapatid ng hipag ko in a close range sa ulo ang tama. Year 2020 pa 'yun, ngayon bumalik gusto talaga silang ubusin,” paliwanag pa nito.
PNA at Niño Lunes