Ayon sa Department of Health (DOH), posibleng bumaba ng hanggang 22,000 ang active coronavirus disease (COVID-19) sa bansa sa kalagitnaan ng Nobyembre kung mapanatili ang mga health protocols at iba pang hakbang laban sa hawaan.

Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards gayundin ang agresibong pag-detect at pag-isolate ng mga positibong kaso ay may mahalagang papel sa pagkamit ng nasabing bilang ng COVID-19 cases ngayong buwan.

“Kapag na-maintain natin ang current mobility natin sa ngayon… na-maintain natin yung compliance natin to minimum public health standards, at detection to isolation natin ay nasa limang araw or less, tayo ay magkakaroon ng active cases na 22,000 by Nov. 15,” sabi ni Vergeire nitong Sabado, Nob. 6.

Noong Nob. 5, nasa 37,377 ang kabuuang bilang ng mga aktibong impeksyon sa COVID-19.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunpaman, kung mapananatili ang mga hakbang, sinabi ni Vergeire na may posibilidad na maaaring sumirit ang aktibong kaso ng bansa ng hanggang 50,000.

“Kapag nawala o tumaas ang mobility natin, ang ating active cases sa buong Pilipinas may reach up to 52,393,” sabi ng opisyal.

“Kung tayo ay magluluwag nang husto sa ating mga ginagawa, hindi tayo gagawa ng safety protocols, hahaba ang detection to isolation sa komunidad, at saka ang ating mobility ay tataas pa rin, maaaring ganitong klaseng numero na meron tayo ngayon ay ganun pa rin hanggang sa end of December,’ dagdag niya.

Ani Vergeire, ito ay “depende sa kung paano tayong lahat ay magsisikap a makipagtulungan upang mapanatili natin” ang bumababang bilang ng mga kaso ng COVID-19.

“Ang patuloy na pagbaba ng kaso dito sa ating bansa and specifically to NCR, nakasalalay iyan sa ating lahat. Kung tayo ay patuloy na susunod sa ating mga safety protocols, kung ang ating mga local governments ay patuloy na gagandahan and i-intensify ang pagresponde tulad ng contact tracing, testing, isolation—tayo ay makakapag bukas pa ng ibang sektor,” dagdag niya.

Analou de Vera