NUEVA ECIJA -Napatay ang isang barangay chairman matapos barilin ng isa sa lalaking sakay ng isang kotse habang ito ay nagdidilig ng gulayan sa Jaen ng nasabing lalawigan, nitong Biyernes ng umaga.

Sa pahayag ni Nueva Ecija Police director Col. Rhoderick Campo, nakilala ang biktima na si Zoilo de Belen, alyas "Anlo" at kapitan ng Barangay Lambakin ng nabanggit na bayan.

Kaagad na binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa katawan. 

Tumakas ang suspek, lulan ng isang kotse, kasama ang iba pang lalaki patungo sa hindi mabatid na lugar.

Probinsya

Magkakaibang parte ng katawan ng tao, natagpuan sa Marilaque Highway

Sa ulat ng pulisya, bago ang insidente ay dinidiligan ng biktima ang mga tanim na gulay nang barilin ito ng isa sa mga lalaking sakay ng isang kotse sa harap ng kanyang bahay, dakong 6:00 ng umaga.

Tiniyak naman ni Nueva Ecija Police spokesman Lt. Frank Sindac na gagawin nila ang lahat upang matukoy at maaresto ang mga suspek.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang kaso.

Ariel Avendaño