TARLAC CITY - Dead on the spot ang tatlo katao at nasa kritikal na kalagayan ang isang batang babae matapos sumalpok sa isang punongkahoy ang sinasakyan nilang sports utility vehicle (SUV) sa nasabing lungsod nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat na natanggap ni Tarlac City Police Officer-in-Charge Lt. Col. Jerrold Jake Manguerra, nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Anthony Peralta, 42, negosyante, at taga-Barangay San Sebastian, Tarlac City; Ariel Layug at Darwin Lugtu, kapwa nasa hustong gulang, at taga-nasabi ring lugar.
Under observation naman sa Tarlac Provincial Hospital si Shean Peralta, 10, dahil sa mga sugat nito sa katawan.
Pauwi na umano ang mga ito sakay ng isang SUV na may plakang NBP-2417 na minamaneho ni Peralta at binabagtas ang kurbadang bahagi ng Tarlac City-San Jose Road sa Brgy. Care nang biglang mawalan ng kontrol ang driver at sumalpok sa isang punongkahoy, dakong 6:30 ng gabi, ayon sa may hawak ng kaso na si Senior Master Sergeant Paul Fariñas, ng Tarlac City Police.
Leandro Alborote