Nagpaunlak ng panayam ang Kapamilya singer na si Jed Madela kay showbiz columnist Ogie Diaz upang isiwalat at aminin dito ang ilang mga bagay hinggil sa kaniyang pagkatao, sa entertainment vlog nito.
Isa sa mga inamin ni Jed ay ang pagkakaroon niya ng anxiety attack. Kumonsulta naman siya sa doktor at napag-alamang may pinagdaraanan nga siya sa kaniyang mental health.
"My doctor told me that you know, everybody goes through this situation. It just so happened siguro na masyadong magnified lang ‘yung sa atin, kasi we’re in the entertainment industry. Yun nga, sabi ng doktor ko, I am easily stressed out by a lot of things especially when I start to think,” wika ni Jed.
Sabi niya, minsan daw ay naiisip niya kung may silbi pa siya sa industriya dahil nga sa dami at bilis ng kompetisyon ngayon. Maraming nadidiskubreng mga mang-aawit o mga celebrity dahil sa social media.
Kaya hindi raw siya nahihiyang aminin na may mental health issues siya. Nakatutulong daw sa kaniya ang pagpo-post ng kaniyang mga nararamdaman at saloobin sa social media. Aniya, kung ano raw ang nababasa ng mga tao sa social media posts niya, iyon ang tunay na siya, at hindi ang napapanood nila sa ASAP Natin 'To o sa iba pang shows ng ABS-CBN.
Aminado rin si Jed Madela na nakakatulong sa kaniya ng kuwento at musika ng sikat na amm-male Korean group na 'BTS' dahil nakakarelate umano siya sa pinagdaanan ng mga ito.