Anong gagawin mo kung ang isang papel ay hindi sinasadyang matapunan ng tubig o anumang likido, kagaya na lamang ng kape?

Para kay Usman Aguilar Angni, 19 anyos mula sa San Jose Del Monte, Bulacan, hindi problema iyan. Ibinahagi niya sa Facebook group na 'Guhit PH' ang ginawa niyang artwork sa coffee spill sa isang papel.

"Coffee spill?? No problem AHAHAHAHA," saad niya sa caption ng kaniyang Facebook post kalakip ang dalawang litrato ng 'before and after' ng kaniyang artwork.

Ginuhitan niya ng kalikasan ang bahaging natapunan ng kape sa bahagi ng papel.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ayon sa panayam ng Balita Online kay Usman, nagtatrabaho siya bilang isang salesman o tindero. Elementary pa lamang daw siya ay mahilig na siyang gumuhit.

"Nakahiligan ko ang pagguhit mula elementary. Panlibangan ko lang kapag walang magawa. Nakakatuwa kasi nagagamit ko yung pagguhit sa mga school works ko," aniya.

Ano ba ang nangyari doon sa papel? Bakit natapunan ng kape?

"Naiwan kong malapit yung kape sa Catleya notebook ko. Hindi ko alam kung sinong nakasagi sa mga kasama ko. Medyo na-bad trip ako kasi kapeng-kape na 'ko HAHAHAHA."

"Nabobored ako noon. Nang bigla kong naisipan lagyan ng drawing kasi nagandahan ako sa natuyong kulay nito. Hindi ko rin expect kung paano ko nagawa 'yun. Basta na-eenjoy ko lang. Stress reliever ba ganun."

Colored pen lamang umano ang ginamit na nabili niya sa murang halaga.

"Hindi pa ako ganoon kagaling pero masaya na akong may nakaka-appreciate ng mga arts ko. At higit pa roon, nakaka-boost ng self-esteem at self-confidence sa tuwing minamaliit mo sarili mo pero pinupuri at ipinagmamalaki ka ng ibang tao," aniya.

May mensahe naman siya sa mga kagaya niyang young artists.

"Enjoy mo lang yung talent mo, kung anong nagpapagaan o nagpapasaya sa 'yo, kahit hindi ka kasinggaling ng expectation ng tao sa 'yo."

As of this writing ay umabot na sa 65K reactions, 235 shares, at 422 comments ang kaniyang viral Facebook post.