Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Philippine Red Cross sa mga residenteng apektado ng Severe Tropical Storm (STS) “Maring” sa La Union, pagbabahagi ng ahensya nitong Miyerkules, Nob 3.
Namahagi ang PRC La Union Chapter ng food items sa nasa 256 pamilya sa Bacnotan, La Union nitong Miyerkules.
Higit 10 volunteers at tauhan ng PRC La Union Chapter ang namahagi ng food items na nakalagay sa isang kapon laman ang limang kilong bigas, 15 pirasong canned goods, limang pakete ng noodles at 12 sachet ng kape sa town gymnasium sa Barangay Nangalisan, Bacnotan.
Nagpadala rin ang PRC National Headquarters ng sampung tauhan sa isang Humanitarian Caravan na binubuo ng isang 6x6 truck, rescue boat, command post, rescue vehicle at food truck na lulan ang mga food item.
“The Red Cross is the lifeline of the people kaya laging kaming handa,” sabi ni PRC Chairman and CEO Senator Dick Gordon.
“Anuman ang mangyari, patuloy lang ang pagserbisyo ng Red Cross volunteers at staff upang mas marami pang matulungan na mga Pilipino sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas,” dagdag nito.
Pagbabanggit ng PRC, nang tamaan ng STS Maring ang ilang lalawigan sa Northern Luzon noong Oktubre 11, ang mga tauhan ng PRC ang kauna-unahang rumesponde sa ground--handa sa paglulunsad ng assessment at pagpapadala ng agarang tulong.
Dagdag ng ahensya, namahagi rin sila ng inuming tubig, mga damit at face masks, lutong pagkain at bootled water sa mga apektadong lugar.
Nagkasa rin ng orientation ang PRC sa mga residente sa pagpapanatili ng kalinisan sa katawan at maging ng psychosocial first aid.
Dhel Nazario