Matapos ang matagumpay na inisyal na pagbabakuna sa mga menor de edad na may karamdaman laban sa coronavirus disease (COVID-19), nagkasa na rin ang lokal na pamahalaan ng San Juan sa pagbabakuna sa lahat ng kanilang eligible minors nitong Miyerkules, Nob. 3.
“Following the IATF’s (Inter-Agency Task Force’s) guidelines in vaccinating 12-17 years old and after our initial run at Cardinal Santos Medical Center (CSMC), we are officially launching our pediatric vaccination to our younger population in the main vaccination center,” sabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora.
Makatatanggap ng Moderna o Pfizer vaccines, tanging vaccine brands na nakakuha ng Emergency Use Authorizarion (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA), ang parehong mga batang may comorbidities o may malulusog na pangangatawan.
“We are immediately launching this vaccination drive because we want to protect the children and help them get their lives back on track. This is also to give them protection from COVID-19 once they go back to face-to-face classes,”dagdag ni Zamora.
Pagpapaliwanag ni Zamora, kumpara nitong mga nakalipas na vaccination rollouts, mas pinahigpit nila ngayon ang pagbabakuna sa mga menor de edad.
Bago ang pagtanggap ng bakuna, ang mga batang may karamdaman o comorbidities ay hihingan ng medical clearance mula sa kanilang doktor, consent ng mga magulang o guardian ng bata, nilagdaang assent form mula sa vaccine recipients at dokumentong nagpapatunay sa relasyon ng bata sa kanyang guardian. Kung wala nito, ang bata ay hindi papayagang tumanggap ng bakuna.
Hinikayat ng alkalde na magpabakuna na rin ang mga hindi pa bakunadong magulang o guardian sa parehong araw ng pagbabakuna sa kanilang anak upang mas lalong mapataas ang proteksyon ng bawat pamilya laban sa COVID-19.
Hinimok rin ni Zamora na irehistro ng mga magulang ang kanilang mga anak sa San Juan City vaccine registration program via https://bit.ly/3BI9PZv.
Patrick Garcia