Hindi pabor ang Presidential aspirant at senador na si Ronald “Bato” Dela Rosa sa inihaing disqualification petition laban sa dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang pinunto nitong huwag na lang iboto ng mga kritiko ang dating mambabatas.

Ani Dela Rosa na tumatakbo sa ilalim ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban), hindi dapat pagkaitan ng pagkakataon si Marcos na tumakbo bilang pangulo sa pamamagitan ng disqualification.

Matatandaang nagsumite ang ilang grupo at personalidad nitong Martes, Nobyembre 3 ng isang petisyon sa Comelec na layong kanselahain ang COC ng dating senador sa ground na “false material representation” na nag-ugat pa sa 1995 tax case ni Marcos.

Tinawag ng kampo ni Marcos ang reklamo bilang “propaganda” at isa lang “nuisance” upang hadlangan ang kandidatura nito sa pagkapangulo sa Halalan 2022.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Let the law prevail. Kung nakalagay sa batas ay dapat mangibabaw ‘yung batas, sundin natin,” sabi ni Dela Rosa sa isang panayam online.

“Pero kung tatanungin nyo ako sa aking personal opinion, since this is politics, this is in time for politics—‘yung disagreement o ‘yung hate ninyo sa tao dapat doon na lang ipakita sa balota,” giit niya.

“Sana hindi siya ma-deprive na tumakbo dahil sayang naman ‘yung chance nya—may supporters din ‘yan sa kanyang pagtakbo. Sana doon na lang ipakita sa balota ‘yung inyong disagreement o dislike sa kanya,” dagdag ng senador.

“Baka sabihin…winner ka lang by default… without a good fight. Hindi maganda ‘yun di ba? Sana mapagbigyan pa rin,” sabi niya.

Hannah Torregoza