Nanawagan ang grupong Citizens' Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. kay Quezon Governor Danilo Suarez na huwag makialam sa mga kasong kidnapping and serious illegal detention with rape at child abuse na isinampa sa korte ng isang kasambahay laban sa isang konsehal na kumakandidato sa pagka-alkalde sa Lopez, Quezon.
Paliwanag ni Val Guevarra, tagapagsalita ng nasabing anti-crime group, dapat na dumistansya ang gobernador kaugnay ng kinakaharap na mga kaso ni Lopez Municipal Councilor Arkie Yulde na kaalyado nito sa pulitika, dahil ang nagharap ng kaso ay isang kasambahay lamang na tinutulungan ng kanilang grupo upang makamit ang hustisya.
"Alam namin na si Governor Suarez ang nagbibigayng suporta kay Yulde kaya umaapela ang grupo namin na dumistansya sya sa huwag nitong gamitin ang koneksyon sa pulitika upang makaligtas ang alaya niya," pagdidiin ni Guevarra.
Si Yulde ay tumatakbo sa pagka-mayor sa naturang bayan sa ilalim ng Lakas-CMD.
Nag-ugat ang kaso ni Yulde nang dukutin, ikulong at paulit-ulit umano nitong gahasain ang biktimang si Quennie(hindi tunay na pangalan), sa loob ng isang hotel sa Rosales, Pangasinan mula Abril 17 hanggang Abril 22 ng taong kasalukuyan.
Nakabinbin pa rin ang mga kaso ni Yulde sa Regional Trial Court Branch 53 matapos isagawa ang arraignment nitong Oktubre 27.
Si Yulde ay kasalukuyang nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Balungao, Pangasinan matapos ipalipat ng hukuman ang kustodiya nito mula sa Criminal Investigation and Detection Group sa Quezon.
Matatandaang kinasuhan na rin sa Office of the Ombudsman si Suarez at anak na si Atty. Joana Suarez dahil sa sinasabing pakikialam umano ng mga ito sa nasabing mga kaso ni Yulde.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa mag-ama angaccessory to the crime of kidnapping at serious illegal detention with rape, obstruction of justice, accessory to the crime of child abuse at paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).