Handa na ang Department of Education (DepEd) sa pagdaraos ng pilot implementation ng limited face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan na nasa mga lugar na low risk na sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Education Secretary Leonor Briones matapos nilang makumpleto ang 100 public schools na lalahok sa pilot run na sisimulan sa Nobyembre 15.

“Magandang balita, sa wakas, ipagpatuloy na natin ang ating limited face-to-face classes,” anunsyo ni Briones sa Laging Handa public briefing nitong Biyernes.

Inaasahan naman nilang sa Nobyembre 12 ay makukumpleto na at maisasapubliko na rin ang listahan ng 20 pribadong paaralan na lalahok naman rin sa naturang dry run.

National

Signal No. 3, itinaas na sa 2 lugar sa Luzon dahil sa bagyong Nika

Pagdidiin naman ni DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma, mayroon nang 57 private schools na natukoy ang DepEd na sasailalim sa ebalwasyon upang matukoy kung eligible ang mga ito na lumahok sa dry run.

Dagdag naman ni Briones, “Handang-handa na tayo. Kung ano ang resulta nitong pilot study, puwede nating i-extend ito at lalo nating paramihin ang mga eskuwelahan na magkaroon ng face-to-face classes.”

“Lahat ng paraan, ginamit natin to assure the safety of the students,” pagtiyak pa ng kalihim.

Mary Ann Santiago