Naobserbahan ng Department of Health (DOH) ang mabagal na pagbaba ng bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa kumpara nitong mga nakalipas na linggo.
“May nakikita tayong pagbagal sa ating pagbaba. It is still going down but the decline is slower than the previous weeks,”sabi ni DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea De Guzman sa isang press briefing nitong Martes, Nobyembre 2.
Sabi ni De Guzman, base sa national epidemic curve, nasa 4,183 per day ang average case ng Pilipinas mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 1, 14 percent na mas mababa sa average cases na napansin ng DOH nitong mga nakaraang linggo.
“Nitong mga naunang linggo ng Oktubre, malaki ang pagbaba. It went down by 26 percent and then 35 percent by the end of October,” sbai ng opisyal.
“Well una, good news pa rin naman iyon. There is a decline pero pag bumabagal na, ayun ang higit nating binabantayan kasi yung pagbagal na iyon, posibleng makita natin from a negative to positive [growth rate],” sabi ni De Guzman.
Hinikayat ni De Guzman ang ilang lokal na pamahalaan na patuloy na mag-implementa ng kanilang active case finding initiatives.
“When cases go down, this is the opportunity for us to intensify the active case finding because we want to be able to prove na pag mababa ang kaso, talagang mababa ang kaso; wala tayong nami-miss out na mga cases,” sabi niya.
“Habang bumababa ang kaso, minsan meron tayong mga areas na medyo nag-e-ease up on their active case finding. Kailangan tuloy tuloy ang active case finding natin para when we see this decline slows down, we can tell na ‘oh, this is okay. The cases are still going down although a little bit slower..but I can say that’s a true decline kasi yung ating paghahanap ng kaso ay tuloy tuloy,” dagdag ng opisyal.
Hinimok din ng DOH ang publiko na patuloy na sundin ang health protocols kasunod ng posibilidad na umabot hanggang 52,000 ang active cases ng bansa sa gitna ng Disyembre.
Dagdag ni De Guzman, maaaring bumaba nang hanggang 2,139 ang active cases sa bansa “if our mobility is maintained and we continue to be adherent to minimum public health standards.”
“Even with current or improved vaccination and with good detection to isolation, it can be (as) low as this,” sabi niya.
“However, if our mobility ay sasabayan ng pagbaba ng adherence to minimum public health standards at babagal ang paghahanap and isolate, from 2,139 posibleng umakyat ang kaso natin to 49,000 to 50,000 as of Dec. 15–and that’s for the Philippines,” dagdag ng opisyal.
Mula nitong Nobyembre 1, ang kabuuang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa ay nasa 43,185 na lang. Samantala, umabot na ng 2,790,375 ang buong COVID-19 case sa bansa mula nang pumutok ang pandemya.
Analou de Vera