Suportado ng OCTA Research Group ang mungkahi na alisin na ang requirement na pagsusuot ng face shields sa loob ng mga sinehan, na pinayagan nang magbukas sa mga lugar na nasa ilalim na ng Alert Level 3 sa COVID-19.
Ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, ang naturang mungkahi ay tinalakay sa isang business forum.
Aniya, may katwiran ang naturang mungkahi dahil hindi magiging ‘enjoyable’ experience ang panonood ng sine kung nakasuot ng face shield.
Nang matanong naman kung susuportahan nila ang naturang mungkahi, sinabi ni David na susuportahan nila ito dahil ang pinapapasok lang naman sa mga sinehan ay yaong mga bakunado na laban sa COVID-19.
“We would support it because I think the move is to allow only vaccinated people to enter theaters,” aniya pa, sa panayam sa telebisyon.
Matatandaang noong nakaraang buwan, pinahintulutan na ng Inter-Agency Task Force ang pagbubukas ng mga sinehan, sa 30% kapasidad para sa mga fully-vaccinated individuals sa mga lugar na nasa ilalim na ng Alert Level 3, gaya ng Metro Manila.
Kailangan pa rin namang obserbahan ang mga health protocols sa loob ng sinehan, kabilang dito ang social distancing o pagkakaroon ng isang upuang pagitan sa mga manonood at pagsusuot ng face masks.
Mary Ann Santiago