Mahigit ₱1 bilyon ang halaga ng suporta na ipinagkaloob ng kumpanyang Microsoft kina Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna, na inaasahang pakikinabangan ng libu-libong guro, mag-aaral at maging ng mga residente ng lungsod.

Laking pasalamat naman nina Moreno at Lacuna sa Microsoft dahil sa pagtugon nito sa kanilang panawagang tulong para sa mag-aaral sa pampublikong paaralan sa Maynila.

Nabatid na ang naturang tulong ay tinanggap nila mula sa mga kinatawan ng Microsoft sa mayor’s office sa Manila City Hall kung saan lumagda rin sila ng memorandum of understanding (MOU) at tumanggap ng 290,000 licenses para sa Microsoft 365.

Ayon kay Moreno, kung bibilhin taun-taon ang lisensya, ito ay nagkakahalaga ng ₱3,500 bawat isa, at kailangan din ng renewal kada taon.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

“Nakuha ito ng Maynila ng libre, thanks for the trust. All students will get Microsoft global education program access while residents will get the opportunity to learn new digital jobs,” saad pa ng alkalde.

Ito, ayon kay Moreno ay kinabibilangan ng robotics engineering, cyber security specialist, data scientist, cloud engineering, software development engineers, data engineers, cloud developers, online customer service agent at online business consultants.

“Siksik, liglig at nag-uumaapaw. Almost ₱1 billion, laway lang ang puhunan natin.  Good luck sa mga bata. Pag ako nagbabayad ng license, every year din kaya malaking tulong ito sa atin.  Sa Microsoft Philippines family, thank you for your continued trust,” pahayag pa ng alkalde.

Sa bahagi naman ng Microsoft, sinabi ng kinatawan nito na sila ay committed sa pagkakaloob ng training para sa mga taong nagwo-work from home at pagkakaloob ng tulong sa mga residente na magkaroon ng mas magandang trabaho sa pamamagitan ng tama o akmang digital skills.

Tiniyak rin nila na ang kanilang iniaalok ay maaari ring pakinabangan ng city hall mismo, bukod pa sa mga estudyante at mga guro.

Mary Ann Santiago