Hinimok ng mga kongresista ang Senado na talakayin at ipasa agad ang P5.024 trilyong national budget para sa 2022 na pinagtibay na nila upang malagdaan ni Pangulong Duterte bago matapos ang 2021 upang makatulong sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya na nilumpo ng COVID-19 pandemic.
Isa sa mga mambabatas, umapela si Deputy Speaker at Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera, sa mga senador na tulungan ang bansa na maka-recover sa pinsalang likha ng pandemya at muling mapalakas ang ekonomiya.
"The House of the People has done its job. Hinihintay namin ngayon ang aksiyon ng mga kaibigan sa Senado na gawin ang nararapat," ayon kay Herrera.Sa pangunguna ni Speaker Lord Allan Velasco, naipadala ng Kapulungan ang bersiyon ng pambansang budget sa Senado noong Oktubre 25, dalawang araw na una sa target date na itinakda nila sa Oktubre 27.
Pinasalamatan ni Herrera sina Speaker Velasco, Rep. Eric Yap, chairman ng House committee on appropriations, at ang lahat ng kasapi ng Kamara sa mabilis na approval ng General Appropriation Bill (GAB).
"This really shows the collective commitment and resolve of the House to help Filipinos and the economy recover from the devastating impacts of the pandemic by ensuring uninterrupted delivery of government services," ani Herrera.
Umaasa siya na dahil sa magaling na pamumuno ni Sen. Juan Edgardo Angara, chairman ng Senate committee on finance, agad ding maipapasa ang bersiyon ng Senado sa tamang panahon.
Bert de Guzman