Umaabot na sa kabuuang 37,964 menor de edad na may karamdaman ang naturukan na ng bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Myrna Cabotaje, kabila sa mga naturukan ng bakuna ay yaong nasa 12-17 years old na pawang may comorbidities o yaong kabilang Pediatric A3 category.

“Nagsimula na ‘yung ating rollout ng comorbidities sa 12 to 17 years old sa iba’t ibang panig ng ating bansa noong October 29,” ani Cabotaje sa Laging Handa briefing.

Iniulat rin naman ni Cabotaje na hanggang nitong Oktubre 31, nasa 59.3 milyong doses na ng bakuna ang nai-administer sa buong bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa naturang bilang, nasa 31.9 milyong indibidwal aniya ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna habang 27.3 milyon naman ang fully-vaccinated na.

Ani Cabotaje, nasa 1.6 milyon o 99.75% naman na ng mga health workers na kabilang sa A1 category ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna habang 1.5 milyon o 95.35% ang nakatanggap ng dalawang doses.

Muli rin namang isinusulong ni Cabotaje ang pagbabakuna sa mga senior citizens na kasama naman sa A2 category.

Sa ngayon aniya nasa 5.1 milyon o 62.30% ng senior citizens ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna habang 4.7 milyon naman o 57.65% ang fully vaccinated na.

Aminado naman si Cabotaje na nahihirapan ang pamahalaan na makamit ang target na 70% vaccinated individuals dahil sa vaccine hesitancy.

Sinabi ni Cabotaje na noong nagsisimula sila sa pagbabakuna, ang naging problema nila ay ang kakulangan ng bakuna.

Gayunman, ngayon aniyang sagana na sa bakuna ang bansa, nahihirapan naman silang mang-engganyo ng mga taong magpapabakuna dahil sa vaccine hesitancy.

“Ang naging problema natin nung umpisa, alam niyo naman, kulang ‘yung bakuna. Ngayon naman po ay sagana tayo sa bakuna, ‘yung pag-e-enganyo naman sa medyo may hesitancy,” aniya pa.

“But with the opening of the rest of the adult population… sana mapag-ibayo din ng ating pagbabakuna ng 12 sa magiging 12 and above na,” aniya pa.

Noong nakalipas aniyang linggo, nakapagtala ang bansa ng average daily jab rate na 500,000.

Dahil dito, kailangan aniya nilang mag-doble kayod upang makamit ang isang milyong average daily jab rate.

“We need to work double time, kailangan all hands on deck para ma meet ‘yung 1 million. Nasa 500,000 ibig sabihin mag double efforts tayo,” dagdag pa niya.

Aniya pa, inaasahan nilang makukumpleto na ang pagbabakuna sa eligible population sa National Capital Region (NCR) ngayong Nobyembre o pagsapit ng Disyembre.

“We are expecting this November makamit na nila 'yung 18 years old and above. But let us remember dito sa NCR, hindi lang taga NCR 'yung nababakunahan nila,” anila pa.

Mary Ann Santiago