Iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa limang lugar na lamang sa bansa ang nananatili pa rin sa COVID-19 Alert Level 4.

Base sa datos na inilabas ng DOH nitong Martes, nabatid na kabilang sa mga naturang lugar na nasa Alert Level 4 pa rin sa COVID-19 ay ang Catanduanes, Benguet, Ifugao, Negros Oriental, at City of Santiago.

Ayon sa DOH, ang Catanduanes ay nasa high risk classification pa sa COVID-19 transmission habang ang apat na iba pang lugar ay nasa moderate risk naman.

“Mapapansin natin na ang mga lugar na ito ay mayroong either high risk bed utilization or ICU utilization,” ani Dr. Alethea De Guzman, OIC-Director ng Epidemiology Bureau ng DOH, sa isang online media forum.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nabatid na ang isang lugar ay kinaklasipika sa ilalim ng Alert Level 4 kung sila ay nasa moderate hanggang high-risk classification pa sa COVID-19 transmission at ang kanilang healthcare capacities ay mas mataas sa 70% base sa metrics o sukatan ng DOH.

Sa ngayon ang Catanduanes ay nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ang City of Santiago ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions habang nasa ilalim naman ng GCQ ang Benguet at Ifugao.

Ang Negros Oriental naman ay nasa ilalim na ng Alert Level System (ALS).

Samantala, sinabi rin ni de Guzman na ang karamihan sa mga lugar sa Pilipinas ay nasa ilalim ng Alert Level 2 classification sa COVID-19.

Mary Ann Santiago