Hinimok ni Senator Sonny Angara ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na apurahin na ang reimbursement claims ng mga pribadong ospital, habang pinunto na hindi kakayanin ng healthcare system ng bansa na muling malugmok sa isang krisis.

Ito ang panawagan ni Angara matapos mapabalitang hindi na muling magre-renew sa kanilang akreditasyon sa PhilHealth ang ilang pribadong ospital sa Metro Manila matapos bigong mabayaran ng ahensya ang kanilang reimbursement claims.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inanunsyo ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na ilang ospital mula sa Metro Manila, Iloilo, Cagayan Valley at General Santos ang nais nang putulin ang ugnayan sa Phihealth.

“Matagal ng ni-rereklamo ng mga ospital itong mabagal na pag reimburse ng mga gastos ng mga ospital at pasyente; kelangan bilisan ng Philhealth ang pag proseso ng claims ng mga ospital otherwise magkakaroon tayo ng systems failure dito sa healthcare system natin,” babala ni Angara.

“Kapag di na babayaran ang health services maaaring may mag sara na ospital at mapeperwisyo ang publiko at ang nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan,” sabi ng senador.

Pinunto rin ni Angara na ilang milyong Pilipino ang nagbabayad ng kanilang PhilHealth na awtomatikong binabawas sa kanilang mga sahod. Dagdag nito, sabi ni Angara, naglagak ng P70 bilyon na subsidya ang national government nitong nakaraan taon upang maproseso ang mga reimbursement claims.

Nakikita rin ng mambabatas ang pangangailangang maimbestigahan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang dahilan ng state health insurier sa mabagal na proseo nito sa mga payment claims ng ilang pribadong ospital.

“Dapat din tingnan ng ARTA o ng Anti-Red Tape Authority ang mga proseso ng Philhealth para alamin ang rason sa mabagal na pagbayad ng mga health insurance claims ng mga ospital,” sabi ng senador.

“Nasa ilalim tayo ng public health emergency kaya’t inexcusable o di katanggap tanggap itong nangyayari ngayon.”

Hannah Torregoza