Nakakuha na ng pagkakataon ang Pasig City government na maipagpatuloy ang isa sa proyekto nitong "Operation Libreng Tuli" ngayong Nobyembre.
Nitong Lunes, Nobyembre 1, sinabi ng pamahalaang lungsod na dahil na rin sa patuloy na pagbaba ng kaso ng coronavirus disease 2019 sa bansa, ipinasya na nilang isagawa ang nasabing proyekto kada Sabado ng kasalukuyang buwan.
Panawagan ng city government, maaari nang irehistro ng mga magulang ang kanilang 11-14-anyos na anak sa Martes, Nobyembre 2 sa mga barangay health center sa kanilang lugar simula 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, LUnes hanggang Biyernes, maliban na lamang kung holiday.
Idinagdag pa ng pamahalaang lungsod, makatatanggap ng text advisory ang mga magulang para sa schedule at lugar ng pagtutulian.