Literal na hindi malalanta ang handog na bulaklak ni Airiz Alcaraz, 15 anyos, mula sa San Luis, Batangas para sa kaniyang inang si Nanay Mary Jane Alcaraz, 37, na nagdiwang ng kaniyang kaarawan.
Ibinahagi ni Airiz sa Facebook group na 'Kalma, Artist Tayo' ang litrato ng kaniyang nanay na hawak-hawak ang pulumpon ng mga bulaklak---ngunit sa halip na tunay na mga bulaklak, iginuhit na lamang niya ito dahil kapos umano siya sa budget upang makabili ng tunay na bulaklak. Tutal naman daw, may talento siya sa pagguhit.
"Share ko lng po DIY drawing bouquet ko para sa nanay ko. Walang money kaya nag-drawing na lang," ayon sa kaniyang caption sa Facebook post.
Gumawa rin siya ng improvised birthday banner para mas maparamdam umano ang pagiging espesyal ng okasyon.
Naiyak naman umano sa tuwa ang kaniyang nanay. Kaya naman, balang-araw ay umaasam si Airiz na mabibigyan niya ng tunay na bulaklak ang ina, kapag may pera na siya.