Napatay umano sa pananambang ang tagapagsalita at pinakamataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) na si Jorge Madlos, alyas "Ka Oris" at hindi sa sagupaan sa Bukidnon katulad ng pahayag ng militar.
“Ka Oris was not killed in an armed encounter. He was ambushed on the road between Impasug-ong town proper and the national highway at 8 p.m. of Oct. 29,” pagbibigay-diin ni CPP Spokesperson Marco Valbuena nitong Linggo, Oktubre 31.
Ang pahayag ni Valbuena ay nagmula mismo sa asawa ni Madlos na si Myrna Sularte, alyas "Maria Malaya."
Sa naunang pahayag ng 4th Infantry Division (4ID), napatay ng mga sundalo si Madlos, 73, kasama ang medical aide nito na si Eighfel Dela Peña, alyas "Ka Pika" sa isang sagupaan sa Impasugong nitong Oktubre 30.
Gayunman, kinontra ito ni Valbuena at sinabing sina Madlos at Dela Peña ay magkaangkas sa isang motorsiklo at magpapagamot sana nang ambusin ng mga sundalo.
“Ka Oris and aide Eighfel Dela Peña (Ka Pika) were both unarmed when ambushed. Whether they were ambushed while moving or were accosted and thereafter executed is still unclear; clearly, however, they were not in a position to give battle and were murdered in cold-blood,” ani Valbuena.
Pinaratangan din ni Valbuena ang militar na itinago ang nagawang krimeng pagpatay sa mga rebolusyonaryong walang armas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng aerial strikes ilang oras matapos ang sinasabing pananambang.
Martin Sadongdong