Pinuri ni Vice President Leni Robredo nitong Sabado, Oktubre 30 ang Philippine Army 6th Infantry Division para sa matagumpay na operasyon nito na sumupil at pumatay sa lider ng isang terrorist group na Daulah Islamiyah-Hassan Group.
Si Salahuddin Hassan, pinatay na lider, ang nasa likod ng mga pag-atake sa probinsya ng Maguindanao, North Cotabato, at Sultan Kudarat.
“Nagpapasalamat tayo sa giting ng kasundaluhan, na sinigurong mananagot si Hassan," ani Robredo sa isang pahayag.
“Kaisa ako ng sambayanang Pilipino sa pagbibigay-pugay sa isang marangal at propesyunal na kasundaluhan," dagdag pa ni Robredo.
Si Hassan at ang kanyang asawa na si Jehana Minbida, na nagsilbi umanong financial officer ng grupo, ay napatay sa special operations sa Sitio Pinareng, Barangay Damablac, Talayan, Maguindanao nitong Biyernes, Oktubre 29.
Raymund Antonio