Isang lalaking nagngangalang Joshua Paolo Jenson, 24, mula sa Bacoor, Cavite ang naghain ng civil case laban kay Cebu City North District congressional candidate at Kapuso actor na si Richard Yap, na siyang itinuturo niyang ama.

Inihain ang naturang kaso nitong Oktubre 28 sa Regional Trial Court (RTC) sa Cebu City, kung saan, hinihiling ni Jenson na kilalanin siya bilang anak ng naturang aktor.

Upang mapatunayan ang claim ni Jenson, maaaring mag-utos ang korte na magsagawa ng DNA test sa dalawang panig upang mapatunayang mag-ama nga sila.

Ayon sa salaysay ni Jenson na isinilang noong Oktubre 5, 1997, natatandaan umano niya nang ituro sa kaniya ng inang si Cherymae Valdez Jenson na ang lalaking chef sa Chow King commercial ay ang kaniyang ama, at walang iba kundi si Richard Yap.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

15 taong gulang siya nang magsimula siyang hanapin at makipag-ugnayan kay Yap.

“Nagulat ako doon. Hindi na ako tumigil kakahanap sa kaniya. Nag-contact ako through Facebook, social accounts, sa wife niya, sa anak niya, wala po. Blinock lang nila ako. Matagal ko na siyang hinahanap,” saad ni Jenson.

"Wala naman akong masamang intensyon. Ang gusto ko lang naman ay ilaban yung rights ko…Kung talagang totoo yung intensyon niya sa mga Cebuanos, paano nya maayos na maseserbisyohan nya kung sarili nyang anak di nya mapanindigan,” dagdag pa.

Ayon naman kay Yap, pakiramdam umano niya ay pamumulitika lamang ito lalo't kumakandidato siya bilang kongresista. Nagtataka siya kung bakit ngayon lamang lumutang ang naturang lalaki gayong matagal na siyang aktibo sa showbiz, matapos ang kaniyang Chow King commercial. Sumikat siya sa teleseryeng 'Be Careful With My Heart' bilang Sir Chief, sa una niyang home network (ABS-CBN).

Naniniwala umano siya na pakana lamang ito ng kaniyang makakalabang kandidato na si Councilor Prisca Niña Mabatid, na tumatakbo sa ilalim ng Barug PDP-Laban, bagay na itinanggi naman nito. Hinamon nito si Yap na pumayag na magpa-DNA test bago ang Nobyembre 15.