Iniulat ng mga eksperto sa OCTA Research Group na bumaba na sa 5% ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).

Ayon sa latest monitoring report ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Sabado, ito na ang pinakamababang positivity rate na naitala sa rehiyon simula noong Hulyo 14, 2021.

Aniya, ikinukonsidera itong mababa at katanggap-tanggap na positivity rate, ayon sa World Health Organization (WHO).

“NCR positivity rate decreased to 5% as of 10/28/21.The last time positivity rate was 5% was 7/14/21.This is considered a low positivity rate,” aniya pa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, mababa pa rin anila ang reproduction number sa NCR na nasa 0.55 at ang healthcare utilization rate na nasa less than 60% habang ang average daily attack rate (ADAR) ay moderate sa 6.75 per day per 100,000.

“Based on our guidelines, the NCR now has a low positivity rate, a low reproduction number, a low healthcare utilization rate and a moderate ADAR of 6.75 per day per 100,000,” ani David.

Ang reproduction rate, o yaong bilang ng mga tao na maaaring maihawa ng isang pasyente ng COVID-19, na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal nang hawahan ng virus.

Sa pagtaya naman ni David, posibleng sa susunod na linggo ay bumaba pa sa 4% ang positivity rate sa NCR.

“Hopefully next week we will see something close to 4%. But based on history, the positivity rate in NCR plateaus around 3 to 4%,” tweet pa niya.

Ang NCR ay nananatili pa rin sa Alert Level 3 sa COVID-19 hanggang sa Nobyembre 14, 2021.

Mary Ann Santiago