Posible umano sa unang bahagi ng taong 2022 ay matapos na ng pamahalaan ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa may 12.7 milyong kabataan sa bansa na kabilang sa 12 - 17 age group.

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, maaaring matapos ang pagbibigay ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccines sa may 12.7 milyong menor de edad hanggang sa Enero 2022.

“Kung 100% ng 12.7 million [minors], baka 'yan ay umabot ng Enero, first quarter ng 2022," ani Duque, sa panayam sa radyo.

Sinabi pa ng kalihim na hanggang sa katapusan ng taong ito ay target nilang mabakunahan ang 80% ng 12.7 milyong menor de edad.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Matatandaang noong Oktubre 15, 2021 ay sinimulan na ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga menor de edad na may comorbidities o yaong kabilang sa Pediatric A3 group.

Nakatakda namang simulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa lahat ng kabilang sa 12-17 age group sa Metro Manila sa Nobyembre 3 habang sa buong bansa naman ay sa Nobyembre 5 sisimulan.

Sa datos ng DOH, nabatid na hanggang noong Huwebes, umaabot na sa 23,727 menor de edad na may comorbidities ang nabakunahan na laban sa COVID-19.

Mary Ann Santiago