Kikilanin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang batikang aktor, prodyuser at prodyuser na si Nora C. Villamor o mas kilala bilang Nora Aunor “sa kaniyang hindi matatawarang ambag sa larangan ng pelikulang Pilipino na sumasailalim sa buhay ng mga mamamayang Pilipino.”

Nitong Biyernes, Oktubre 29 inanunsyo sa Facebook ng Komisyon sa Wikang Filipino ang nakatakdang paggawad kay Nora sa darating na “Araw ng Parangal Kampeon ng Wika 2021” sa Nobyembre 9.

“Siyá ay isang batikang artista, mang-aawit, prodyuser, at nakatanggap ng iba't ibang parangal mula FAMAS Award, Gawad Urian Award, Metro Manila Film Festival, Luna Awards, Gawad Tanglaw, at iba pa,” pahayag ng KWF.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Larawan mula sa Komisyon sa Wikang Filipino

Inilista rin ng KWF ang mga pinagbidahang materyal ng aktres sa mga pelikulang bantog sa international community kabilang ang All Over The World; Guy and Pip; Lollipops and Roses; My Blue Hawaii; And God Smiled At Me; Carmela; Fe, Esperanza, Caridad; Erap Is My Guy; Super Gee; Banaue; Niño Valiente; Tatlong Taóng Walang Diyos; Minsa’y Isang Gamu-Gamo; Kaming Matatapang Ang Apog; Bakekang; Little Christmas Tree; Pag-ibig Ko’y Awitin Mo; Atsay; Ikaw Ay Akin; Huwag Hamakin: Hostess; Mahal Mo, Mahal Ko; Ina Ka ng Anak Mo; Annie Batungbakal; Bona; Kastilyong Buhangin; Himala; at iba pa.

Samantala, gagawaran din ng KWF ang Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika bilang “Kampeon ng Wika dahil sa adbokasiya na nagpapahalaga sa wikang Filipino at panitikan.”

Nasa 800 rehistradong miyembro ang bumubuo sa alyansa.

“Tuloy-tuloy na isinasabalikat ng Tanggol Wika ang pag-aambag sa adbokasiyang pangwika sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga interdisiplinari/multidisiplinaring lektura, forum, webinar, atbp. sa wikang Filipino; paglo-lobby sa mga ahensiya ng gobyerno at sangay lehislatibo pára sa mga adbokasiyang pangwika (mula MTB-MLE sa DepEd hanggang sa pagpapabalik ng asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo); pagbubuo ng mga makabuluhang materyal na panturo sa wikang Filipino at sa ibang larangang maituturo sa wikang Filipino gaya ng Kasaysayan, Araling Pangkultura, atbp.; at pagtataguyod ng mga makabuluhang repormang sosyo-ekonomiko sa pamamagitan ng puspusang paggamit ng Filipino sa mga napapanahong pahayag, praymer, atbp,” saad ng KWF.

Sa Legazpi Ballroom Makati Diamond Residences sa Makati magaganap ang Araw ng Parangal.