CAGAYAN - Under custody na ng pulisya ang isang lalaki matapos na i-hostage ang 6-anyos na anak na lalaki sa bahay ng mga ito sa Barangay Tagao, Lasam kamakailan.
Sa ulat ng CagayanProvincial Police Office, nakilala ang suspek na si Jomar Gutierrez, na hindi na nakapalag nang dakpin ng pulisya.
Naiulat na bigla na lamang hinatak ng suspek ang anak na menor de edad at tinutukan ng patalim habang nagvi-video call sa asawang nasa Maynila, nitong Oktubre 27 ng hapon.
Habang nakikipag-usap umano sa asawa, biglang nagalit si Gutierrez at sinakal ang anak at binantaan pa na papatayin ito."Maaaring nami-miss na niya ang kanyang asawa na may 4 na buwan ng nasa Maynila na nagproseso ng kanyang papeles para makabalik sa ibang bansa bilang OFW," ayon sa imbestigador na si Patrolman Freddie Piga.
Nang dumating ang mga pulis ay agad na inaresto ang suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act9165, Batas Pambansa 6 (illegal possession of bladed weapons) at Grave Threats.
Liezle Basa Iñigo