Umaabot sa ₱49 milyon ang halaga ng mga tseke na itinurn-over ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga local government units (LGUs) bilang STL shares at sa Commission on Higher Education (CHED) bilang mandatory contribution naman nitong Huwebes ng hapon.

Mismong si PCSO Vice Chairman at General Manager Royina Garma ang nanguna sa simpleng turn over ceremony na isinagawa sa likod ng Conservatory Building ng PCSO sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City, na nasabay sa ika-87 anibersaryo ng PCSO.

Nabatid na ilang LGUs mula sa National Capital Region (NCR) ang nakatanggap ng mahigit P32 milyon bilang Small Town Lottery (STL) shares.

Kabilang sa mga naturang LGUs na nakatanggap ng tseke ay ang Taguig City (P7,556.34), Pateros (P32,280.46), Makati City (P25,647.27), San Juan City (P98,695.12), Mandaluyong City (P63,566.83), Manila City (P9,287,534.54), Parañaque City (P214,884.70), Muntinlupa City (P232,289.36), Marikina City (P384,369.48), Quezon City (P15,069,633.41), Las Piñas City (P2,731,702.76), Pasay City (P3,290,194.87), at Pasig City (P637,780.28).

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Samantala, ang CHED naman ay nakatanggap ng P17,005,497.30, sa pamamagitan ng Bureau of Treasury, bilang Mandatory Contribution.

Anang PCSO, ito ay bilang pagtalima sa mandatory contribution na  alinsunod sa Republic Act 7722 na nagbibigay ng 1% sa lotto gross sales sales sa CHED.

Ang mga LGUs naman ay nakakatanggap ng porsiyento mula sa total revenues ng PCSO operations sa kanilang lugar. Maaari nilang gamitin ang naturang shares para sa kani-kanilang proyekto.

Anang PCSO, ang kooperasyon sa pagitan nila at ng LGUs ay may malaking papel sa fund generation ng magkabilang panig na pinakikinabangan ng buong bansa.

Nabatid na ang PCSO ang nagbibigay ng pondo para sa proyekto at charitable activities sa nationwide scale habang ang LGU naman ang gumagamit ng pondo ng PCSO para sa mga proyekto na kapaki-pakinabang sa kani-kanilang munisipalidad, bayan at lungsod.

Kaugnay nito, hinikayat naman ni Garma ang iba pang LGUs na irekonsidera ang pakikipag-partner sa PCSO dahil bukod sa nakapagbibigay na ito ng karagdagang trabaho sa lugar ay nakatutulong pa sa pagpapaunlad ng ekonomiya.

Maaari rin aniya silang mag-avail ng STL at lottery shares bilang karagdagang income sa kani-kanilang areas of responsibility.

"PCSO is not gambling, it does not take skill to win in our games, it is truly a game of chance!  That alone differentiates us from other gaming institutions," ani Garma.

"Larong may Puso po kami kasi portion po ng aming kinikita ay bumabalik sa pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan ng medikal na atensiyon at bukod diyan marami din po kami natutulingan na mga institusyon, hospital, biktima ng kalamidad at mga lokal na pamahalaan.  Magtulungan po tayo para sa ating mga kababayan," aniya pa.

Mary Ann Santiago