Inaasahang papalo na sa mahigit₱235 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na nakatakdang bolahin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Biyernes ng gabi, Oktubre 29.
Ayon kay PCSO Vice Chairman at General Manager Royina Garma, walang nakahula sa six-digit winning combination na 50-12-03-26-28-21 ng UltraLotto 6/58 na binola noong Martes ng gabi, Oktubre 26.
Dahil dito, walang nagwagi sa katumbas nitong jackpot prize na₱227,573,866.40.
Inaasahan naman ng PCSO na madaragdagan pa ng₱8 milyon ang naturang jackpot prize sa susunod na bola ngayong Biyernes kaya’t aabot na ito sa tumataginting na mahigit₱235 milyon.
Samantala, ang jackpot prize ng GrandLotto 6/55 ay inaasahang papalo naman sa₱85 milyon at nakatakda itong bolahin sa Sabado, Oktubre 30.
Kaugnay nito, hinikayat ni Garma ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon ng tiyansa na maging susunod na instant milyonaryo sa lotto.
Malaki rin aniya ang maitutulong ng kanilang pagtaya upang makalikom ang pamahalaan ng pondo para kanilang health programs, medical assistance at services, at charities.
Mary Ann Santiago