Inaasahang ibababa sa alert level 2 ang National Capital Region (NCR) ngayong Nobyembre dahil sa napaiging sitwasyong pangkalusugan ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya nitong Huwebes, Oktubre 28.
Sa isang ulat ng GMA News, sinabi ni Malaya na ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ng 48 porsyento sa loob ng dalawang linggo ay maaaring maging isa sa mga rason na posibleng pagluwag ng mga health protocol restrictions sa NCR.
Binigyang-diin ng DILG spokesperson na ang Department of Health (DOH) at data analytics team ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mayroong kapangyarihang magdesisyon kung anong alert level ilalagay ang Metro Manila.
|
Magkakaroon ng miting ang IATF ngayong araw para pag-usapan ang alert levels.
“There’s a meeting actually today of the IATF to make those decisions,” ani Malaya.
Sa ilalim ng alert level 2, sinabi ni Malaya na ang mga establisyimento ay pinapayagang mag-operate indoors ng 50 porsyentong kapasidad na may karagdagang 10 porsyentong kapasidad kung binigyan sila ng safety seal.
Habang 70 na porsyento naman ang alfresco o outdoor dining.
Sinabi rin ni Malaya na pinag-iisipan ng IATF kung papayagan na ang mga menor de edad na may kasamang mga magulang sa loob ng mga mall.
Kasalukuyang nasa alert level 3 ang Metro Manila hanggang Oktubre 31 na nagsimula noong Oktubre 16.
Chito Chavez