Bubuhayin ng Manila City government ang “Washable Face Mask-Making Project” sa lungsod.

Ayon kay Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno, layunin nang muling paglulunsad ng nasabing proyekto na lumikha ng trabaho at magkaloob ng libreng face masks sa mga residente ng lungsod.

Nabatid na inatasan na ni Moreno si Public Employment Service Office (PESO) chief Fernan Bermejo na maghanap ng 100 kwalipikadong mananahi upang mamahala sa nasabing proyekto na inaasahang makakagawa ng inisyal na 200,000 face masks tulad nang unang inilunsad ito at nagbigay proteksyon sa mga residente na walang pambili ng face masks.

Sinabi ng alkalde na para makuwalipika, kailangan ang aplikante ay residente ng Maynila, marunong gumupit at manahi at may dalawang taong eksperiyensa na sa pananahi.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Matatandaan na ang proyektong ito ay unang inilunsad noong Hunyo nang nakaraang taon sa intensyong makapagbigay ng hanapbuhay at  magkaloob ng libreng  face masks sa may 670,000 residente na inisyuhan ng mga quarantine passes. 

Ang nasabing bilang ay kumakatawan sa dami ng bilang ng pamilya sa buong lungsod

Dahil may kamahalan ang  disposable face masks, naisip nina  Moreno at Lacuna noong isang taon na mag- mass produce ng  isang milyong washable face masks at ipamigay ng libre sa mga residente.                                                              

Inatasan rin ng alkalde si Bermejo na bumuo ng mechanics, kung saan ang makinang panahi at materyales ay magmumula sa pamahalaang lungsod habang ang budget ay kukunin mula sa mga cash donations na natanggap ng lungsod mula sa mga donors sa loob at labas ng bansa na nais tumulong sa pakikipaglaban ng Maynila sa  COVID-19.

Habang tuloy-tuloy ang pakikipaglaban sa COVID-19, sinabi ni Moreno na tuloy din ang paglikha ng pamahalaang lungsod ng mga oportunidad na makalikha ng trabaho para sa mamamayan ng lungsod.  

Ang bayaran sa trabahong ito ay production-based, ibig sabihin ang bawat mananahi ay babayaran sa dami ng kanilang natahing face mask.

At upang mabigyan ng pagkakataon ang iba pa na kumita, sinabi ni Moreno na kapag ang isang mananahi ay kumita na ng tulad ng average monthly wage ng isang ordinaryong empleyado, ibibigay naman ang kanyang slot sa panibagong mananahi.

Ayon kay Moreno, ang kanyang idea ay mula sa isang pag-aaral na epektibong napigilan ang pagtaas ng coronavirus cases sa Czechoslovakia kung saan ayon sa kanya, ang mga mamamayan mismo ang gumawa ng maraming face masks upang ipamigay sa lahat, kaya naman bumaba agad ang kaso ng infection sa nasabing bansa.        

Ang ordinaryong surgical face masks na maaari lamang gamitin sa loob ng walong-oras ay nagkakahalaga ng P25 hanggang P35 bawat isa, habang ang  N95, na mas nagtatagal ang buhay ay nagkakahalaga naman ng  P100. 

Mary Ann Santiago