Sa panahon ngayon ng social media, normal na lamang ang pagpo-post ng mga gamit na nabili, pagkain, lugar na napasyalan, at iba pang mga achievement na nais ipagmalaki, at hindi naman para ipagyabang. Ngunit minsan, may mga tao talagang sa halip na makaramdam ng inspirasyon, inggit at at pag-aakusang mayabang ang isinusukli nila.

Kagaya na lamang ng isang vlogger na si Richard Licop, 20, taga-San Pedro, Laguna, matapos niyang ilahad sa kaniyang Facebook post ang kaniyang mensahe para sa mga taong nayayabangan sa kaniya, sa mga bagay na ipinakikita niya sa kaniyang social media accounts, na bunga naman ng kaniyang pinaghirapan.

Larawan mula sa FB/Richard Licop

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

"Nuknukan ng yabang, post nang post ng kayabangan sa Facebook," bungad sa caption ng kaniyang Facebook post.

"Habang naglilinis ako ng kuwarto , nakita ko itong paycheck ko noong 2011. ₱80 ang sahod ko kada araw bilang isang 'DISHWASHER at BOY' sa karinderia habang nag-aaral ng college. Natutulog ako sa sahig ng karinderia at kailangan kong gumising ng 4AM para mag-mop ng sahig, maglinis ng CR at magbukas ng karinderia."

"4PM ako mag a-out para naman pumasok sa school dahil panggabi naman ako noon. Grabe 'yon! Tapos uuwi ako uli sa karinderia para hugasan uli ung mga patong-patong na hugasin, mga malalaking kawali at mga plato na halos mataas pa sa akin. Araw-araw ganoon ang routine ko pero hindi ako napapagod dahil may gusto akong marating! Na balang araw, mabibili ko rin lahat ng gusto ko. Makakapunta sa iba't ibang lugar o bansa, at makakakain nang masarap sa restaurant na hindi na ako ang maghuhugas!"

"Kaya huwag kayong mayabangan sa akin kung panay ako post ng mga nabibili ko at napupuntahan. Nangarap lang kasi ako noon, ngayon natutupad ko na."

"Kung may bago kayong gamit, i-post n'yo lang! Kung may bago kayong napuntahan, i-post n'yo lang! Kung may pagkain ka na ngayon mo lang makakain, i-post mo lang! Wala silang alam sa pinagdaan mo kaya wala rin silang pakialam sa ipo-post mo. Kahit anong gawin mo, kung inggit sila, para sa kanila nagyayabang ka."

"Sa mga gaya kong lumaki sa hirap, huwag kayong tumigil mangarap. Hindi tayo habang buhay mahirap. May mangungutya sa 'yo, may hindi susuporta, madalas kamag-anak at kaibigan mo pa pero tandaan mo, 'Walang ibang maniniwala sa 'yo, maliban sa sarili mo. Focus lang sa pangarap mo para sa sarili mo at lalo na para sa magulang mo."

Sa panayam ng Balita Online kay Richard, nasa maayos naman siyang kalagayan na balewala na sa kaniya ang mga taong nagsasabing mayabang siya.

Matapos umano ang kaniyang graduation sa college, hindi siya nagsayang ng oras. Pinasok niya ang pagnenegosyo.

"Naging businessman po ako. Nag-try ako ng iba't ibang businesses gaya ng barber shop at salon, kalaunan, nagsara dahil sa pandemic, at ngayon nagba-buy and sell ako ng kung ano-ano at isa don ay ang pagbebenta ng laruan through KASAPOT COLLECTIBLES," aniya.

Ano-ano na nga ba ang mga naipundar niya dahil sa kaniyang negosyo?

"Nakabili po ako ng sarili kong brand new car at big bike na 650cc, nabigyan ko ng mga bagong gamit ang parents ko like appliances, gadgets etc. Naitreat ko sila sa mga mamamahaling hotels para makapag-bonding kami. Nakapag-abroad para magbakasyon at ngayon may ipon na para sa future wedding namin ng girlfriend kong si KC."

Larawan mula sa FB/Richard Licop

Larawan mula sa FB/Richard Licop

May mensahe naman siya sa mga kagaya niyang nangarap at ngayon, natupad na ito sa pamamagitan ng pagsusumikap.

"Nagsimula akong maging tagahugas ng plato, tricycle driver, crew sa fast food, tindero sa karinderia. Hindi ko ikinakahiya 'yan dahil diyan ako maraming natutunan na na-apply ko sa pinagkakakitaan ko ngayon. Ang susi lang doon, alisin mo ang hiya sa sarili mo as long as wala kang gingawang masama. I-maximize mo ang skills mo dahil puwedeng isa roon sa skills mo ang magpapaganda ng buhay mo."

Sa ngayon ay may YouTube channel na rin si Richard na 'Richard Knows' na may 31.2K subscribers as of this writing.

Larawan mula sa FB/Richard Licop