Walang nakikitang problema si Vice President Leni Robredo sa pagtanggap ng mga botante ng suhol mula sa mga politiko sa panahon ng pangangampanya ngunit hinikayat niya ang mga ito na magpasya ayon sa konsensya.

“Parati kong sinasabi tanggapin nyo kasi galing din naman ‘yan sa atin. Yung pinambibili ng boto, pera din ‘yan ng taumbayan. Tatanggapin mo pero ang iboboto mo kung sino ‘yung nasa konsensya mo,” sabi ni Robredo sa isang virtual meeting nitong Martes, Oktubre 26 kasama ang miyembro ng Kasambahay for Leni.

“Wag kang boboto dahil pakiramdam mo meron kang utang na loob kasi tinanggap mo, di ba? Iyong sa akin, tanggapin ang pera pero iboto sa konsensya,” dagdag niya.

Sunod na pinunto ng bise-presidente na imposibleng nagmula sa sariling bulsa ng mga politiko ang ginagamit sa pagbili ng boto.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Iyon po ‘yung itaga nyo sa bato. May pinanggalingan ‘yun na hindi tama,” ani Robredo.

Nakikitang opurtunidad din ito ni Robredo kung saan sa oras na matalo ang isang politiko sa kabila ng pagbili ng boto, hindi na ito magiging estratihiya sa susunod na halalan.

Inamin ni Robredo na habang madali na ngayon ang pagbili ng boto sa pamamagitan ng mga electronic payment system ngunit siniguro niya na walang makakaalam kung sino ang ibobotong kandidato sa huli.

“Kasi iyon ‘yung pantakot nila. Iyong pantakot nila malalaman ko ano ‘yung boto mo,” sabi ni Robredo.

Samantala, pinalagan naman ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez ang naging pahayag ni Robredo.

“I disagree with the notion of taking the money and voting according to your conscience. Vote buying is an election offense regardless of financial situation or noble intentions,” pahayag ni Jimenez sa isang Twitter post nitong Miyerkules, Oktubre 27.

Muling iginiit ni Jimenez na, “’Di dapat ginagawa, at ‘di dapat sina-suggest yan [vote buying] sa mga botante.

Matatandaang nitong Hunyo, unang naglabas ng pahayag si Jimenez habang papalapit na muli ang election season.

“Don’t sell your vote. No matter how big you will receive in exchange for your votes, it is guaranteed that you will pay them more once they are already seated in power.”

Raymund Antonio