Kinuyog ng ilang netizens ang comment section sa isang Facebook post ng DepEd Tayo na naghihikayat maging “apolitical” o hindi maging sangkot sa mga "political affairs" ang mga kaguruan ngayong election season.

Sa pamamagitan ng page na DepEd Tayo, pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro na “bawal ang mangampanya sa mga kandidato.”

“Sa isang panayam kay DepEd Secretary Leonor Briones, pinaalala nya na base sa Department Education (DepEd) Order (DO) 048, S. of 2018 o ang "Prohibition on Electioneering and Partisan Political Activity"” at DO 031, S.2019 "Prohibiting Activities that Constitute Electioneering and Partisan Political Activity during the campaign period," lahat ng pampublikong guro ay pinagbabawalan na sumailalim sa "partisan politics" kahit sa social media,” sabi ng ahensya sa isang pahayag.

Dagdag nito, “Kailangan nating maging neutral. Nasa batas yan [Omnibus Election Code].”

Pag-thumbs up ni GMA sa photo op kasama si Romualdez, solons usap-usapan

Dapat umanong sundin ito para “makaiwas sa maaaring kaso” kung malabag ang nasabing “alituntunin.”

Tila hindi naman nagustuhan ng netizens ang naging pahayag na ito ng DepEd at inulan ng batikos ang comment section ng paalala.

“Kung ang mga guro ay bubusalan ang bibig sa mga isyung panlipunan at pulitika, asahan niyo na ang mga estudyante ay magiging tahimik at walang pakialam sa bayan,” sabi ng isang nagngangalang Shaine Ocampo.

“’Ang kabataan ang pag asa ng bayan.’ Ngunit kung ang mga guro na siyang gumagabay sa mga kabataan upang magkaroon sila ng karunungan ay pinapatahimik at inaalisan ng kalayaan at kakayahang ipahayag ang kanilang opinion o paniniwala, saan na ba sila lulugar? Deped sana pag nilayan niyo ito,” apela ng isang user na nagngangalang Han Nee.

“In this country, being apolitical will do no good. Let the teachers stand on what they believe and make it possible for them to educate students on current political issues so that the next generation will avoid electing crooks to public office,” dagdag ng user na si Regine Langrio.

“Seriously DepEd???? Intindihin niyo sana ibig sabhin ng apolotical, kung gusto niyo maging apolitical mga teachers niyo para niyo na rin sinabing gawin niyong mangmang ang mga estudyante niyo sa mga usaping panlipunan. Ang sasahol niyo!’ litanya g isa pang dimayadong netizen..

Tinira rin ng ilan ang tila maling pagkakaunawa ng kagawaran sa salitang non-partisan at apolitical.

“Pati “apolitical” 'di ata alam ng DepEd anong ibig sabihin. Magkaiba po ang apolitical sa non-partisan kung iyon po ang pinapahiwatig nyo,” ani Jessel de Paz.

“With all the misinformation going around, this is the time where teachers shouldn't be apolitical. We are allowed to speak up, that is our right. We would remain non-partisan but never apolitical,” sabi ng isang Kimberly Ann Esguerra.

Ayon sa  Merriam Webster, ang salitang apolitical ay tumutukoy sa dis-interes o hindi pagiging sangkot sa mga “political affairs” ng isang tao habang nangangahulugan namang walang kinikilingang grupo, kinabibilangan o bias  ang salitang non-partisan.

Larawan mula sa DepEd Tayo Facebook page

Para kay DepEd Secretary Leonor Briones, hindi dapat magpahayag ng political views ang mga guro sa social media habang pinunto na “magkakagulo-gulo ang gobyerno” kung ganoon ang mangyayari.