Magandang balita dahil nasa 32 na ang bilang ng mga newly-overhauled light rail vehicles (LRVs) na umaarangkada ngayon sa linya ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3.

Ayon sa MRT-3, matagumpay silang nakapag-deploy ng isa pang LRV sa kanilang mainline kaya’t nadagdagan ang mga tren nila na nagsisilbi sa mga train commuters.

“Nakapagseserbisyo na ng mga pasahero ang karagdagang bagong overhaul na LRV, na dumaan sa masusing mga quality at speed tests upang masigurong ligtas patakbuhin,” anang MRT-3.

Nabatid na ang general overhauling ng mga bagon ng MRT-3 ay bahagi ng malawakan at kumprehensibong rehabilitasyon ng linya, sa tulong ng maintenance provider nito na Sumitomo-MHI-TESP.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nananatili ring nasa 30% ang passenger capacity ng mga tren, na may katumbas na 124 na pasahero kada train car o bagon o 372 na pasahero kada train set.

Upang mapanatiling ligtas ang biyahe ng mga pasahero, mahigpit din ang pagpapatupad ng "7 Commandments" kontra COVID-19, na batay sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan.

Kabilang dito ang 1) Laging magsuot ng face mask at face shield; 2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; 3) Bawal kumain; 4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga pampublikong transportasyon; 5) Laging magsagawa ng disinfection; 6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19; at 7) Laging sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.

Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.

Mary Ann Santiago