Hindi makapaniwala ang mga awtoridad na ang inakalang kakaibang amoy ng gas leak o pagsingaw ng gaas sa isang shopping center sa Canberra, Australia, nagmumula pala sa amoy ng isang prutas.
Agad na nag-evacuate ang mga tao na nasa loob ng shopping center habang hinahanap ng mga awtoridad kung nasaan ang inakalang gas leak.
Ayon sa ulat, inabot ng isang oras ang mga bumbero hanggang sa mapag-alaman nilang hindi singaw ng gaas ang pinagmumulan ng kakaibang amoy sa lugar, kundi mula sa durian.
Noong 2019 naman, nagkaroon din ng katulad na emergency evacuation sa University of Canberra Library dahil sa pag-aakalang may singaw ng amoy ng gaas; napag-alaman din na ito pala ay nagmumula sa durian, na naiwan sa bandang air vent ng naturang silid-aklatan.
Ang durian ay kilala sa tawag na 'king of fruits' sa Southeast Asia at sikat dahil sa matinding amoy nito sa kabila ng napakasarap nitong lasa. Sa Pilipinas, kadalasan itong makikita sa bandang Mindanao.