Umapela ang Malacañang sa publiko na huwag nang dalhin ang mga bata sa Manila Bay dolomite beach, habang pinunto na bawal pa rin lumabas ng bahay ang mga bata kung hindi naman esensyal ang pakay nito.
Naglabas ng pahayag si Presidential Spokesman Harry Roque matapos dumugin ng ilang libung tao ang dolomite beach nitong mga nakaraang lingo at tuluyang ‘di naobserbahan ang physical distancing.
Sa naganap na press briefing nitong Lunes, Oktubre 25, pinaalalahanan ni Roque ang publiko na bawal pa rin ang paglabas ng mga bata sa labas ng bahay para maglibang.
“Ang mga bata, talagang for essentials lang po na dapat lumalabas ng kanilang tahanan. So, hindi pa po pwedeng magpasyal-pasyal ang mga bata,” sabi ni Roque.
“Nananawagan po kami sa ating mga kababayan: pandemya pa po. Bagama’t bumababa po ang mga kaso natin, eh nandiyan pa po si COVID-19 so ‘wag tayong magpabaya,” dagdag niya.
Giit ni Roque, ginawa ang dolomite beach para malibang ang lahat ngunit hindi dapat ito maging rason para palalain ang sitwasyon ng bansa laban sa COVID-19.
“Talaga naman pong ang dolomite ay for the enjoyment of everyone. Pero ‘wag naman pong maging dahilan ‘yan para magkaroon tayo ng superspreader event,” sabi ni Roque.
Muling pinaalalahanan ni Roque ang publiko ang katagang “Mask, Hugas, Iwas” na naghihikayat sa publiko na magsuot ng face mask, maghugas ng kamay at panatilihin ang distansya sa ibang indibidwal.
Nanawagan din si Roque na magpabakuna na laban sa COVID-19.
Samantala, hinikayat din ng Palasyo ang kapulisan sa Maynila upang mahigpit na ipatupad ang physical distancing.
Argyll Cyrus Geducos