CAMP G. NAKAR, Lucena City - Limang pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA), kabilang umano ang lider at apat niyang kasamahan ang napatay matapos makasagupa ang mga pulis sa liblib na barangay sa Mandaon, Masbate, ayon sa Southern Luzon Command (SOLCOM).

Ang ulat na natanggap ng SOLCOM, ang mga pulis ay magsisilbi sana ng warrant of arrest para sa limang kaso ng murder at attempted murder laban kay Eddie/Arnold Rosero, alyas Ka Star, lider ng mga rebelde, sa Brgy. Bugtong ng nabanggit na bayan nang maganap ang sagupaan.

Napansin umano ni Rosero at kanyang mga kasama ang papalapit na mga pulis kaya kaagad nilang pinaputukan.

Tumagal ng mahigit sa 30 minuto ang labanan na ikinasawi ng limang rebelde.

Probinsya

Babaeng sumagip ng naaksidenteng aso, patay sa bundol ng van

Sa intelligence report, si Rosero ay pinuno ng Larangan 1 Guerrilla Front ng NPA na kumikilos sa nasabing bayan, habang ang iba pang napatay na rebelde ay kinikilala pa ng pulisya.

Sa clearing operation, narekober ng mga awtoridad sa lugar ang tatlong M16 armalite rifles, dalawang Cal.45 pistol at improvised explosive device. (EID).

Danny Estacio