Inihayag ng independiyenteng grupo ng mga eksperto na OCTA Research Group na ang patuloy na pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 cases sa bansa ay dulot nang malawakang vaccination program na isinasagawa ng pamahalaan.

Ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, ang reproduction number ng Pilipinas, o yaong bilang ng mga tao na maaaring maihawa ng isang pasyente ng COVID-19, ay nasa 0.52 na lamang.

Nabatid na ang reproduction rate na mas mababa sa 1 ay ideyal at indikasyon na nagkakaroon nang pagbagal ng hawahan o transmission ng virus.

Sinabi pa ni David na ang average na daily infections sa buong bansa ay nabawasan rin ng 35% o naging 4,500 mula sa dating 8,400 noong nakaraang linggo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Isa sa madaling paliwanag ay medyo marami na tayong nabakunahan. Aside from that, meron ding may dala ng antibodies dahil previously infected na sila,” paliwanag ni David, sa panayam sa teleradyo.

“Pag pinagsama natin ito, maaaring hindi pa siguro tayo nasa herd immunity, pero medyo malapit na tayo. Nasa population protection na tayo (sa Metro Manila),” aniya pa.

Sinabi rin ni David na dahil marami nang protektado, wala nang masyadong makapitan ang virus, lalo na sa Metro Manila, na ang daily average ay nasa less than 1,000 na lamang sa ngayon.

“Ang kinakapitan nito ay mga unvaccinated or yung mga vaccinated na may comorbidity or di masyado nakakagawa ng antibodies ang katawan nila kaya sila nakakakuha ng virus,” aniya.

Sinabi rin ni David na nagsimula ang downward trend nang isailalim ang National Capital Region (NCR) sa modified enhanced community quarantine (MECQ) noong Agosto at nang ilipat aniya ito sa Alert Level 4 ay napanatili na ang downward trend.

Sa ngayon aniya ay hindi pa sila nakakita ng spike ng kaso sa NCR sa ilalim ng Alert Level 3 ngunit hindi aniya ito dahilan upang magpabaya na ang lahat.

Nitong Sabado, sinabi ni David na ang reproduction number sa NCR ay nasa 0.45 na lamang, at nasa 996 naman ang 7-day average ng naitatalang mga bagong kaso.

Ang positivity rate umano sa rehiyon ay bumaba pa sa 7% mula sa dating 10% noong nakaraang linggo, habang ang average daily attack rate (ADAR) naman ay nasa 7.03 na lamang.

Una nang iniulat ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na 81% na ng eligible population sa NCR ay fully-vaccinated na.

Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng hanggang 70 milyong katao sa buong bansa upang makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.

Sa ngayon, umaabot na sa 25.1 milyong indibidwal ang fully-vaccinated na habang nasa 29.3 milyon naman na ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna.  

Mary Ann Santiago