Hinikayat ni Senator Christopher ‘Bong” Go nitong Linggo ang pamahalaan na ikonsidera ang fuel discounts o subsidiya para sa transportation industry at ilang strategic sectors upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Dagdag ni Go, dapat umanong pag-aralan ng Department of Energy (DOE), Department of Agriculture (DA) at Department of Transportation (DOTr)ang nabanggit na mekanismo upang mabawasan ang pasanin ng publiko.
Maari ring isama ang mga food delivery industry at iba pang public transport services sa subsisy program, ani ni Go.
“Sa pagbibigay ng discount or subsidy, mas mapapagaan natin ang bigat na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis,” sabi ni Go sa isang pahayag.
“Maliban sa mga karaniwang commuters, makakatulong din ito sa pag-kontrol sa posibleng pagtaas sa presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan na nakasalalay sa mga byahero mula sa mga producers papunta sa mga palengke at consumers,” sabi ng senador.
Suspendihin ang train law
Suportado rin ni Go ang panawagan sa pag-amyenda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law para pansamantalang ma-suspend ang fuel excise tax.
“Pag-aralan din natin ang posibleng pag-amyenda sa kasalukuyang batas upang mapahintulutan ang temporary suspension ng fuel excise tax sa panahong masyadong mataas ang presyo ng langis sa world market,” sabi ng senador.
“Mandato nating nasa gobyerno na pagaanin ang bigat na dinadala ng ating mga kababayan, lalo na ngayong meron pa tayong krisis na pilit malampasan. Huwag na nating dagdagan ang pahirap sa kanila,” pagpupunto ni Go.
Hannah Torregoza