Ibinida ng isang traveler na si 'Ric' mula sa Maynila ang kaniyang sorpresang regalo para sa kaniyang inang nagdiwang ng kaarawan nito.
Makikita sa Facebook page na 'Home Buddies' ang nakatutuwang regalo---na isang patapos na two-storey house! Ibinahagi ni Ric kung paano nila sinorpresa ang mahal na ina.
"Flex ko lang 'yung birthday surprise sa Nanay namin! Sabi namin mag-lunch lang somewhere pero nagulat siya sa subdivision kami pumasok, tapos wala naman siyang nakikitang restaurant," aniya.
"Sabi pa niya: 'May kumakain ba rito?' HAHAHA! Ang kyut!"
Lagi umanong ipinapaalala ng kaniyang ina na kumuha na siya ng sariling bahay dahil hindi na siya bumabata. Awat na umano sa kaka-travel.
"I remember lagi niya ko sinasabihan na kumuha na ng sarili ko na bahay dahil I am not getting any younger. Inuna ko kasi ubusin ang probinsya sa Pilipinas #Project81. No regrets naman pero this time it means lesser travel na lang, hindi na once a month! HAHA!"
"Sabi nga nila, "Always Make Your Momma Proud!" #MYMP. Again, Happiest birthday, Nanay!"
Ayon sa panayam kay Ric ng Balita Online, kahit paano ay nakatulong ang pandemya dahil nagkaroon ng travel restrictions, kaya nakapag-ipon sila para sa pagpapatayo ng pangarap na bahay.
"Sobrang tagal na kasi ko sinasabihan ni Nanay na bumili ng sarili kong bahay tapos bawasan yung travel. Hehe. So noong nag-pandemic, dahil wala rin masyadong travel, nakapag-save up at nag-decide kami na mag-invest."
Naging mahirap ba ang pagpapatayo ng bahay dahil sa pandemya at health protocols?
"The house and lot po is a pre-designed property by the developers. So sila na po bahala doon. I think one thing that come out good with this pandemic is that 'yon nga po, nakapag-invest kami."
Kaya naman, may mensahe siya sa mga anak na gaya niyang nagbabalak na sorpresahin ang mga magulang nila.
"No matter how small or big po yung surprise, as long as it will make your parents proud, just do it!"