Inaasahang papalo ng mahigit P218 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 habang P98 milyon naman sa SuperLotto 6/49 na parehong bobolahin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong Linggo ng gabi, Oktubre 24.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, wala pang pinapalad na magwagi sa naturang dalawang lotto games kaya’t patuloy sa pagtaas ang jackpot prizes ng mga ito.
Nabatid na ang huling bola ng SuperLotto 6/49 ay noong Huwebes ng gabi, Oktubre 21, 2021, ngunit walang nakahula sa six-digit winning combination na 26-09-33-42-36-24 kaya’t walang nakapag-uwi ng jackpot prize na P92,266,370.60.
Samantala, wala ring nakahula sa six-digit winning combination ng UltraLotto 6/58 na 16-32-50-22-28-35 na huling binola noong Martes ng gabi, Oktubre 19, kaya’t hindi rin naibulsa ang katumbas nitong premyo noon na P203,160,211.20
Kaugnay nito, sinabi ni Garma na inaasahang tataas din ang jackpot prize ng MegaLotto 6/45 naman na bobolahin sa Lunes at inaasahang aabot na sa P32 milyon.
Hinihikayat rin naman ni Garma ang mga suki at parokyano na patuloy na tumaya ng lotto dahil sa halagang P20 lamang ay magkakaroon na sila ng tiyansang maging susunod na milyonaryo sa lotto at makakatulong pa sa mga taong nangangailangan.
Mary Ann Santiago